Pilipino Star Ngayon
November 17, 2025 | 12:00am
MILWAUKEE — Naghulog si Luka Doncic ng 41 points habang naglista si Austin Reaves ng 25 points para giyahan ang Los Angeles Lakers sa 119-95 pagsisiw sa Bucks.
Humakot si Deandre Ayton ng 20 points at 10 rebounds para sa Los Angeles (10-4) na naglaro na wala sina Rui Hachimura (calf tightness) at Marcus Smart (illness).
Ito naman ang ika-14 sunod na pagkakataon na hindi sumalang si LeBron James dahil sa kanyang sciatica.
Kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 10 rebounds sa panig ng Milwaukee (8-6) na nakahugot kina AJ Green at Gary Trent Jr. ng 15 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Lakers ang 30-18 abante sa first quarter bago humataw ang Bucks ng 38 points sa kabuuan ng third period para sa kanilang 14-point deficit.
Muling bumida si Doncic at inilayo ang Los Angeles sa 20-point advantage sa final canto.
Sa iba pang laro, giniba ng defending champion Oklahoma City Thunder ang Charlotte Hornets, 109-96; pinulutan ng Toronto Raptors ang Indiana Pacers, 129-111; tinalo ng Denver Nuggets ang Minnesota Timberwolves, 123-112; at tinusok ng Cleveland Cavaliers ang Memphis Grizzlies, 108-100.
