October 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pasok si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo sa finals ng dalawang events sa 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Jakarta, Indonesia.
Nakasiguro si Yulo ng tiket sa finals ng men’s floor exercise at men’s vault matapos ang qualifying round na may walong subdivision.
Nanguna si Yulo sa vault matapos magtala ng 14.750 average score kung saan nakakuha ito ng 14.900 sa unang vault at 14.600 sa ikalawang vault.
Naungusan ni Yulo si Artur Davtyan ng Armenia na may 14.700 para sa ikalawa at Nazar Chepurnyi ng Ukraine na may 14.400 para sa ikatlong posisyon.
Pumangalawa naman si Yulo sa floor exercise tangan ang 14.566 puntos mula sa 8.666 sa execution at 5.900 sa difficulty.
Nanguna sa floor exercise si Filipino-British Jake Jarman na nagsumite ng 14.700 puntos.
Tanging ang Top 8 gymnasts sa bawat apparatus ang papasok sa finals.
Target ni Yulo na masungkit ang gintong medalya sa floor exercise at vault—ang dalawang events na pinagharian din nito sa Paris Games.
Gaganapin ang finals ng floor exercise sa Biyernes, habang sa Sabado naman aarangkada ang vault finals.
Dalawang events lamang ang nilahukan ni Yulo matapos magtamo ng minor wrist injury habang nagsasanay sa Jakarta ilang araw bago kumpetisyon.
Dahil dito ay hindi na kuwalipikado si Yulo na makahirit ng medalya sa all-around event.
Hindi naman pinalad na makapasok sa finals ang iba pang PInoy bets na sina Juancho Miguel Besana, John Ivan Cruz at Justine Ace de Leon.
Aarangkada ngayong araw ang women’s team sa qualification round at mangunguna sa kampanya ng koponan sina Olympians Aleah Finnegan at Emma Malabuyo kasama sina Haylee Garcia at Elaiza Andriel Yulo—ang nakababatang kapatid ni Caloy.
