October 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang pag-angat ni Alex Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings matapos muling kumana ng panibagong career-high.
Mula sa kaniyang dating puwesto na No. 53, umakyat pa ng isang puwesto si Eala na kasalukuyan nang nasa No. 52 sa WTA live rankings.
Dalawang spots na lamang ang kailangan ni Eala na lundagin para makapasok sa Top 50 ng WTA.
Magiging magandang posisyon ito upang awtomatikong makakuha ng puwesto sa malalaking torneo gaya ng mga Grand Slam events.
Una na rito ang Australian Open na magsisimula sa Enero sa Melbourne, Australia.
Kasama pa ang French Open, Wimbledon at US Open.
Bukod pa rito ang mga WTA Tour events gaya ng mga 1000-level, 500-level at 250-level na nilalahukan ng malalakas na players sa mundo.
Kaya naman kailangan ni Eala na magkaroon ng magandang ratsada sa mga torneong nilalahukan nito para makakuha ng WTA ranking points.
Kasalukuyan itong nasa China para sa Guangzhou Open na ginaganap sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.
Aarangkada ngayong araw si Eala sa doubles event.
Kapares ng Pinay netter si Ukrainian player Nadiia Kichenok kung saan makakalaban ng dalawa sa first round sina fourth seeds Emily Appleton ng Great Britain at Qianhui Tang ng China.
Nakatakda ito sa alas-10 ng umaga.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na inilipat ang first round match nina Eala at Kichenok, at nina Appleton at Tang.
Una na itong nakatakda noong Lunes na inilipat sa Martes hanggang sa muling inilagay sa Miyerlules na iskedyul.
Sa singles, nakatakdang harapin ni Eala si qualifier Claire Liu ng Amerika Martes ng gabi.
