October 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinapitan ng defending champion University of the Philippines ang solo third place sa team standings matapos nilang pagulungin ang National University, 78-74 sa simula ng second round ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena kahapon.
Pinamunuan ni Harold Alarcon ang opensa para sa Fighting Maroons sa nirehistrong 24 points, apat na assists at tatlong rebounds upang ilista ng koponan ang 5-3 karta at pigilan ang three-game winning streak ng Bulldogs.
Pero nanatili pa rin ang NU sa tuktok tangan ang 6-2 record, nasa pangalawa ang host school University of Sto. Tomas, (5-2).
Nadalawahan ng UP ang NU, tinalo rin ng una ang huli sa first round eliminations sa iskor na 66-59.
Samantala, bumanat sa clutch si Jorick Bautista upang tulungan ang Far Eastern University na suwagin ang 75-68 panalo laban sa minamalas na Ateneo de Manila University sa unang laro.
Tumikada si Bautista ng 20 points upang akbayan ang Tamaraws sa kanilang pangalawang sunod na panalo at ilista ang 3-5 karta.
Naghabol ng apat na puntos, 63-67, nagtala sina Luke Felipe at Janrey Pasaol ng back-to-back baskets para itabla ang iskor at saka sumalpak si Bautista ng importanteng tres upang hawakan ang tatlong puntos na bentahe ng FEU, 70-67, may 1:22 minuto na lang sa fourth quarter.