September 9, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bagong mga coaches, bagong simula, parehong laban.
Iyan ang ipapamalas ng apat na bagitong coaches na sumalang sa una nilang hamon sa katatapos lang na Rookie Draft bago ang totoong laban sa PBA Season 50 sa Oktubre.
At nakilatis kaagad ang kalibre nina Ronald Tubid ng Terrafirma, Dennis “Delta” Pineda ng Converge, Willy Wilson ng Phoenix at LA Tenorio ng Magnolia sa pagpili ng mga rookies mula sa 122 aplikante.
Hindi sinayang ni Tubid ang pagkakataon na mauna sa draft nang gamitin ang No. 1 pick sa 6-foot-9 Ateneo center na si Geo Chiu.
Si Chiu na kasalukuyang naglalaro sa Abra Solid North Weavers sa MPBL ang ikalawang sentro na naging No. 1 pick sa PBA draft matapos si Justine Baltazar ng Converge noong nakaraang taon.
Malaki ang aasahan ni Tubid kay Chiu upang mabaliktad ang kanilang kapalaran nang mangulelat sa tatlong conferences ng PBA Season 49 para makuha ang No. 1 pick.
Sa presensya ng ace big man na si Baltazar, nagpunta sa guwardiya si Pineda ng Converge sa katauhan ni Juan Gomez De Liaño ng UP para sa No. 2 pick.
Nakuha ito ng FiberXers mula sa Phoenix kapalit ng kanilang No. 8 pick at si Bryan Santos.
At bagama’t bumaba sa draft order, nakasungkit pa rin si Wilson at ang Fuel Masters ng ginto nang makuha nila si dating NCAA MVP Will Gozum sa 8th overall pick.
Hindi rin nagpatalo si Tenorio ng Hotshots, na nasikwat si dating NCAA champion Yukien Andrada ng San Beda para sa 6th overall pick.
“Thankful sa opportunity. Ang daming puwedeng coaches na possible dito, pero tayo ang binigyan ng pagkakataon. So I think there’s a reason why,” ani Tenorio.
Tig-siyam na rookies ang nakuha nina Tubid at Pineda, tatlo kay Tenorio, habang lima naman kay Wilson sa kanilang unang responsibilidad bilang mga bagong coaches.
Pinalitan ni Tenorio si Chito Victolero, si Tubid kay Raymond Tiongco, si Pineda kay Franco Atienza at si Wilson kay Jamike Jarin para sa bagong season ng PBA na magdiriwang ng makaysayang golden anniversary bilang unang professional basketball league sa Asya simula sa Oktubre.
Samantala, kinuha ng TNT Tropang 5G si free agent Kevin Ferrer kasunod ang pagbibigay kay MIke Nieto ng isang one-year contract extension.
Pinapirma si Ferrer ng Tropang 5G sa isang one-year deal.
Matapos manalo ng ilang PBA titles sa Ginebra ay naglaro ang 6-foot-5 winger na si Ferrer sa NorthPort at Terrafirma.
Bigo ang TNT na makamit ang pambihirang PBA Grand Slam sa nakaraang Season 49 matapos matalo sa San Miguel sa Philippine Cup Finals.
