Gilas huhugot sa dalawang kabiguan sa FIBA ACQ


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

February 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Bigo ang Gilas Pilipinas sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers matapos yumuko ng dalawang sunod laban sa Chinese-Taipei at New Zealand.

Umani ang Gilas Pilipinas ng 84-91 kabiguan sa kamay ng Chinese-Taipei noong Pebrero 20 sa Taipei, Taiwan kasunod ang 70-87 pagyuko sa New Zealand kahapon sa Auckland, New Zealand.

Sa kabila ng pagkatalo, naniniwala si Gilas Pilipinas guard Dwight Ramos na makatutulong ang naturang mga kabiguan para mas lalo pang maging matatag ang Gilas Pilipinas sa mga susunod na laban nito.

Partikular na sa FIBA Asia Cup proper na idaraos sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia — ang mas importanteng laban na haharapin nito.

Alam ni Ramos na hindi naman parating panalo sa isang sport.

May panalo, may talo.

Kaya naman malaking tulong ang kabiguan upang ma­iwasan ang maging kam­pante at matutong tu­mayo para sa susunod na laban.

“It’s not too good when Gilas wins too much. It’s good that we got humbled, so before the FIBA Asia Cup, we’ll know we got to prepare harder than this,” ani Ramos.

Isa si Ramos sa mga naasahan ng Gilas Pilipinas kontra sa Chinese-Taipei.

Nagtala ito ng 15 puntos para tulungan si natura­lized player Justin Brownlee na nagsumite naman ng 39 puntos.

Ganito rin ang pana­naw ni Brownlee kung saan ang mga ganitong sitwasyon ang tutulong sa kanila para mas mahasa pa ng husto.

“We just gotta take evert experience we have and try to learn from it. I guess, learning to play in a tough environment and we just need to be ready, because teams will just come out and play their best game on us,” ani Brownlee.