October 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pilit na tatapusin ng nagdedepensang Mapua University ang dalawang sunod na kabiguan sa pagharap sa Jose Rizal University sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.
Nakatakda ang bakbakan ng Cardinals at Heavy Bombers ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang pagkikita ng San Beda Red Lions at Arellano Chiefs sa alas-12 ng tanghali sa FilOil Centre, San Juan City.
Nangunguna ang University of Perpetual Help System DALTA sa Group A taglay ang 6-1 kartada sa itaas ng Mapua (3-3), Arellano (3-3), Lyceum (1-5) at San Sebastian (1-6).
Ang San Beda ang bumabandera sa Group B bitbit ang 4-1 baraha kasunod ang College of Saint Benilde (4-2), Letran College (4-3), Emilio Aguinaldo College (3-4) at Jose Rizal (3-4).
Minalas ang Cardinals sa Red Lions, 70-79, at sa Knights via overtime, 92-95, sa kanilang huling dalawang laro.
Isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng tropa ni coach Randy Alcantara ay ang matamlay na inilalaro ni Season 99 MVP Clint Escamis na tumipa ng mga averages na 9.8 points, 3.0 rebounds, 4.2 assists at 1.8 steals per game.
“Yes, magiging more aggressive ako sa lahat ng defense. Hindi lang sa offense, hindi lang sa scoring, but in terms of my whole game, kailangan maging aggressive talaga,” pangako ng 25-anyos na si Escamis.