MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay may dagdag nang motivation ang mga national athletes at coaches.
Inihayag kasi kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang dagdag na P5,000 sa monthly allowance ng mga atleta at coaches simula sa susunod na buwan.
“We realize that so many athletes still get P10,000 per month. Mas mababa po ‘yun sa minimum wage. How can our athletes survive kung mas mababa ‘yung P10,000,” ani Gregorio sa PSC General Assembly kasama ang mga athletes, coaches at Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Association (NSAs) officials sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang nasabing additional allowance ay inaprubahan na ng PSC Board.
Ang nasabing inisyatibo ni Gregorio, ang ika-13 chairman ng sports agency, ay naaayon sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyan ng solidong suporta ang mga national athletes at coaches.
Nauna na itong ipinangako ng Pangulo sa courtesy call ni 2024 Paris Olympics double-gold medalist Carlos Edriel Yulo sa Malacañang.
Gusto rin ni Gregorio na pabilisin ang proseso sa pagpapalabas ng allowance ng mga atleta at coaches sa loob ng limang araw.
Kasalukuyan nang naghahanda ang mga atleta para sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Thailand.