PLDT babangon kontra Farm Fresh


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Pipilitin ng PLDT na kaagad makabangon mula sa kabiguan sa pagsagupa sa mainit na Farm Fresh sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.

Lalabanan ng High Speed Hitters (2-1) ang Foxies (3-0) ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng Cignal Super Spikers (1-2) at Nxled Chameleons (0-3) sa alas-4 ng hapon sa Pool A.

Nagtapos ang 15-game winning streak ng PLDT simula sa pagrereyna sa nakaraang PVL on Tour at Invitational Conference nang matalo sa Cignal, 17-25, 22-25, 21-25, noong Martes.

Nagawa ito ng Super Spikers sa High Speed Hitters kahit hindi na pinag­laro si Greek import Eva Chantava na nakatakdang palitan ni Slovenian hitter Katrin Trebichavská.

“Regardless locals, imports, hindi talaga kakayanin kung hindi lahat nasa tip-top shape,” ani PLDT coach Rald Ricafort. “Lalo nga ‘yung pag-emphasize sa kanila na hindi kami dapat umasa lang sa isa o dalawang tao.”

Muling isasalang ng High Speed Hitters sina Russian import Nastya Bavykina, Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes at Kim Fajardo.

Itatapat ng Foxies sina Belgian import Eli Rousseaux, Trisha Tubu, Ces Molina, Jolina Dela Cruz, Rizza Cruz at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy.