Bossing sapol sa Road Warriors


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inihulog ng NLEX ang Blackwater sa ikatlong sunod na kabiguan matapos kunin ang 99-88 panalo sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Bumanat si JB Bahio ng career-high 23 points para tulungan ang Road Warriors sa pagkubra sa pangatlong dikit na ratsada sa limang laro at solohin ang liderato.

“Nakahinga ng konti, pero alam namin na after this game parang sunud-sunod yata iyong laro, konti lang iyong prep time. Kailangan focus kami lahat, alam namin na malalakas iyong mga kalaban going down the stretch,” ani coach Jong Uichico.

Nag-ambag si Xyrus Torres ng 18 markers at may 15 at 13 markers sina Robert Bolick at Kevin Alas, ayon sa pagkakasunod.

Laglag ang Bossing sa 1-3 marka.

Ang Euro step ni big man Brandon Ramirez ang nagbigay sa NLEX ng 12-point lead, 43-31, sa 2:25 minuto ng second period na kanilang pinalobo sa 62-47 mula sa three-point shot ni Torres sa pagbubukas ng third quarter.

Sa likod nina Sedrick Barefield at Russel Escoto ay nakalapit ang Blackwater sa 66-69 sa dulo ng nasabing yugto.

Binuksan ng Road Warriors ang fourth period sa isang maikling 8-0 atake mula kina Ramirez, Alas at Robbie Herndon para muling makalayo sa 79-66.

Tuluyan nang naiwanan ang Bossing sa 84-97 matapos ang triple ni Torres at fastbreak layup ni Alas sa huling 1:49 minuto ng labanan.