4th gold sa AYG galing kay Ngina


Pilipino Star Ngayon

October 26, 2025 | 5:57pm

MANAMA, Bahrain — Inangkin ni Pinay bet Lyre Anie Ngina ang ikaapat na gold medal ng Pilipinas sa 2025 Asian Youth Games matapos manalo sa Muay Wai Kru 14-15 dito sa Exhibition World Grand Hall nitong Linggo.

Kumolekta ang 14-anyos na si Ngina ng 9.00 points mula sa mga judges sa kanyang ipinamalas na routine sa Muay ritual.

Sinapawan ni Ngina para sa gintong medalya sina Auryelle Xzandra Bobby ng Malaysia (8.80) at Kittima Yotsombat ng Thailand (8.60) na nakuntento sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Bukod sa apat na golds ay mayroon ding tatlong silvers at apat na bronzes ang Team Philippines para umakyat sa sixth place sa medal standings ng AYG.

Noong Sabado ng gabi ay itinakbo ni Pi Durden Wangkay ang ikatlong ginto nang pagharian ang  boys’ 200-meter dash sa Bahrain National Stadium.

Nagsumite ang 16-anyos na si Wangkay ng bilis na 21.76 segundo para ungusan sa finish line sina Chu Chao-Feng ng Chinese Taipei (21.90) at Kim Sunwoo ng South Korea (21.93).

“At first po, noong hindi po ako nanalo ng 100, sobrang nalungkot po ako,” sabi ni Wangkay sa kanyang fifth place finish sa century dash.

“Napag-isipan ko po buong gabi, pauwi pa lang po at iniba ko po ‘yung mindset ko dito.»

Humarurot si Wangkay sa huling 40 metro patungo sa pagkopo sa gintong medalya.

Nagmula kina pencak silat bet Kram Airam Carpio at MMA fighter Charlie Ratcliff ang unang dalawang gold medal ng bansa.

Samantala, nagdagdag ng silver si Naomi Cesar sa girls’ 800-m run sa kanyang tiyempong 02:08.69 segundo.

Sa taekwondo, minalas sina Lhord Jared Pasaron (boys -73kg), Princess Sarah Grace Pascual (girls -55kg) at Rhiyanne Agatha Cadilena (girls’ -49kg) sa Round of 16 at 32, ayon sa pagkakasunod.

Nakatakda pang sumabak sina Matt Rejhan Lavestre (boys’ -55kg), Chuck Aeron Alariao (boys’ -63kg) at EJ Gaa (girls -63kg).

Sa boxing, talo sina Jefferson Amaya (boys 50kg) at John Michael Estorba (boys 54kg).

Puntirya naman nina boxers Leo Mhar Lobrido at Shairylle Pores ang semifinals berth ng 46kg events, habang nabigyan ng tiket si Justin James Zampatti sa quarterfinals.