Thailand unang katapat ng Alas


MANILA, Philippines — Unang makakasagupa ng Alas Pilipinas ang host Thailand sa paghataw ng SEA V.League Leg 1 bukas sa Nakhon Ratchasima.

Magtutuos ang mga Pinay spikers at Thai hitters sa ganap na alas-6 ng gabi.

Nakataya sa two-leg series ang FIVB world ranking points kung saan hangad ng mga Pinay spi­kers na mapaganda ang kasalukuyan nilang pagi­ging World No. 47.

“The main expectation is always for us to keep on growing, and as we keep on talking to players, the result is always a consequence,” ani Brazilian coach Jorge Souza de Brito sa One Sports.

Babanderahan ni team captain Jia De Guzman ang Alas Pilipinas katuwang sina Eya Laure, Leila Cruz, Vanie Gandler, Bella Belen, Angel Canino, Alyssa Solomon at Shaina Nitura.

Kasama rin nila sa koponan sina Maddie Madayag, Mars Alba, Dell Palomata, Fifi Sharma, Thea Gagate, Dawn Ca­tindig, Justine Jazareno at Cla Loresco.

“This lineup is good, but we need to grow a lot as a team. It’s a process, and in that process, we have to win ourselves every single day,” sabi ni de Brito.

Hindi kasama sa lineup sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips ng Petro Gazz at Tia Andaya ng Choco Mucho dahil hindi pa ayos ang kanilang mga dokumento sa international volleyball federation (FIVB).

Matapos ang Thailand ay sunod na lalabanan ng Nationals ang Vietnam sa Sabado ng alas-2:30 ng hapon at ang Indonesia sa Linggo sa parehong oras.

Hahataw naman ang Leg 2 sa Agosto 8 hanggang 10 sa Vietnam.

Ang nasabing SEA V.League tournament ay bahagi ng preparasyon ng Alas Pilipinas para sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.