TNT, NLEX didikit sa quarterfinals


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

October 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kakalas ulit ang Talk ‘N Text sa siksikang liderato upang makasolo sa tuktok kontra sa palabang Meralco sa PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Sisiklab ang aksyon sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng bakbakang Blackwater (1-2) at NLEX (3-1) na pareho din ang misyon sa alas-5:15 ng hapon.

Katabla ng Tropang 5G sa unahan ang Magnolia, Converge, Rain or Shine at NLEX para sa 5-way leadership ng 12-team standings kaya kung makakalusot ay mapapa­lakas ang tsansa sa Top 4 sa kalagitnaan ng elimination rounds.

Tanging Top 4 lang ang hahawak ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals na siyang asinta ng mga bataan ni coach Chot Reyes sakay ng 2 sunod na panalo.

Matapos yumukod sa karibal na Barangay Ginebra, 92-77, ay sumungkit ng dalawang dikit na tagumpay ang TNT kontra sa Converge, 110-103, at Titan Ultra, 130-92.

Ito ang planong sandalan ni Reyes para ma­katatlo at masikwat ang manibela sa pangunguna nina Calvin Oftana, Rey Nambatac, Roger Pogoy, Kelly Williams at Brandon Ganuelas-Rosser habang wala pa rin sina Jayson Castro at Poy Erram.