Gilas Pilipinas mapapalaban sa SEA Games


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinangalanan ni Gilas Pilipinas head coach Norman Black ang host Thailand bilang isa sa pinakamatinik na karibal nito sa 2025 Southeast Asian Games basketball competitions na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.

Kasama rin sa mga tututukan ng Gilas Pilipinas ang Indonesia at Cambodia na nakalaban ng Pinoy cagers sa gold-medal match ng 2023 edisyon ng biennial meet sa Phnom Penh, Cambodia.

Aminado si Black na hindi na ganun kadali ang pagdepensa sa korona sa SEA Games hindi tulad ng mga nakalipas na edisyon ng torneo.

Desidido ang Thailand na masungkit ang unang gintong medalya nito sa basketball.

Nagkasya lamang ito sa bronze noong 2023 at 2021 edisyon ng SEA Games habang naka­pilak ito noong 2019 SEA Games sa Manila.

Sa kabilang banda, ang Indonesia ang pumutol sa winning streak ng Pilipinas sa SEA Games matapos masikwat ang ginto noong 2021 sa Hanoi, Vietnam.