Team Philippines olats sa medalya sa AYG


Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 5:57pm

RIFFA, Bahrain — Minalas ang Team Philippines na makasikwat ng medalya sa Asian Youth Games kahapon dito.

Ito ay makaraang tumapos sa fourth place ang Alas Pilipinas at ilang jiu-jitsu fighters.

Bigo ang mga Pinay spikers sa Thailand, 24-26, 20-25, 24-26, sa kanilang bronze medal match kamakawala ng gabi.

Pumalo si Rhose Almendralejo ng match-high 15 points para banderahan ang tropa, habang may tig-walong marka sina Harlyn Serneche at Samantha Cantada.

“As we can see po, didikit po kami kaso sa bandang huli, ulit ulit po nangyari yung situation na bumibitaw po kami. So siguro po doon po lumabas yung sinasabi nila coach na palinisan na lang daw po ng galaw,» ani spiker Jai Adrao.

Hindi rin naka-podium finish ang mga national jiu-jitsu fighters sa Exhibition World Bahrain in Sakhir.

Talo si Sachi Khonghun kay Munkhjin Batbold ng Mongolia, 0-3, sa girls’ -52kg bronze medal match at yumukod si Jin Gabriel Ong kay Abdusomad Thnchtyk Tynchtykbekov ng Kyrgyzstan sa boys’ -56kg division.

Sa cycling, naging bahagi si Pinoy rider CJ Cabrejos ng main group na tumapos na may 21 segundo ang layo sa nanalo sa boys’ road race.

Nagtala si Lee Wan Chun ng Hong Kong ng bilis na 02:23.54 para pagharian ang 99.6-kilometer race kasunod si Kittaphat Homkajorn ng Thailand na nagtala rin ng parehong oras kasunod si Taha Alkhalifah ng Saudi Arabia na kumuha ng bronze.

Hindi naman natapos nina Pinoy cyclists Carl Laurence Espinosa at Joelian Abdul Hamid ang karera. (POC Pool)