NU walang balak bumitaw sa itaas vs La Salle


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pakay ng National University na palakasin ang kapit sa tuktok ng team standings pagharap nila sa De La Salle University sa pagbabalik aksyon sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City nga­yong araw.

Magsisimula ang banatan ng Bulldogs at Green Archers sa alas-4:30 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Far Eastern University at Adamson University sa alas-2 ng hapon.

Kasalukuyang solo sa unahan ang NU na may 7-2 karta, nais nilang ikadena ang pangala­wang sunod na panalo kaya kakapitan pa rin nila sa opensa si Jake Figueroa.

Inaasahang makaka­tuwang ni Figueroa sina Reinhard Jumamoy, Jolo Manansala at Steve Nash Enriquez upang masilo ang inaasam na panalo.

Tumikada si Figueroa ng 17 points, 15 rebounds, limang assists, dalawang steals at isang block laban sa inaalat na Ateneo de Manila University, 66-50 sa huling laro.

Kumana rin sina Juma­moy, Manansala at Enriquez ng tig-walong puntos para sa Bulldogs na nala­mangan pa sila sa third canto bago nakahabol sa pamumuno ni Figueroa.

“Kahit nalamangan kami ay nanatiling naka-pokus ang mga players ko.” ani NU head coach Jeff Napa.

Pero paniguradong mapapahirapan ang Bulldogs bago malapa ang Green Archers ito’y dahil isa sa maiinit na teams ang huli.

Kasalo ng La Salle sa No. 2 ang defending champion University of the Philippines tangan ang tig-6-3 karta.