October 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tinagay ng San Miguel Beer ang pambihirang 83-81 tagumpay kontra sa Barangay Ginebra sa PBA Season 50 Philippine Cup para sa pagbabalik ng liga sa Coca-Cola Arena sa Dubai matapos ang 5 taon kahapon.
Huling naglaro ang pinakaunang professional league sa Asya sa Middle East noong 2019 at hindi nito binigo ang Filipino fans sa isang klasikong laban bilang bahagi ng pagdiriwang ng PBA ng ika-50 anibersayo nito.
Bumida sa tagumpay ng SMB ang 9-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na humakot ng 17 puntos at 16 rebounds sahog pa ang 6 na assists at 4 tapal, kabilang na ang pambaong lay-up sa huling 20 segundo.
Umalalay sa kanya sina CJ Perez, Marcio Lassiter at Juami Tiongson na may tig-10 puntos habang may ambag ding 8 at 7 puntos sina Kris Rosales at Don Trollano, ayon sa pagkakasunod.
Bunsod ng eskapo ay nakatalon mula sa kulelat ang Beermen matapos ang 0-2 simula sa ngayon ay 2-2 kartada upang makabuntot sa mga lider na Magnolia, Converge, NLEX, Talk ‘N Text at Rain or Shine na pare-parehong may 3-1 marka.
Subalit hindi naging madali ang tagumpay ng mga bataan ni coach Leo Austria nang muntikang mapurnada ang hanggang sa 14-puntos na bentahe.
Nakapagtayo agad ang Beermen ng 40-26 kalamangan sa first half upang kontrolin ang laban at namuro na sa panalo hawak ang akala nila’y komportableng 82-76 abante matapos ang lay-up ni Fajardo sa huling 20 segundo.
Naglunsad ng huling bira ang mga manok ni coach Tim Cone tampok ang 4-point shot ni Scottie Thompson at dakdak ni Japeth Aguilar matapos ang split freethrows ni Rosales upang makalapit sa hanggang 81-83 sa huling 3 segundo sakay ng 6-1 ratsada.
Nakasilip pa ng pag-asa ang Gin Kings nang maagaw ni Troy Rosario ang inbound pass ni Rosales ngunit sumablay si Thompson sa game-winning na tres sa buzzer.
Nauwi sa wala ang 20, 17 at 15 puntos nina Aguilar, RJ Abarrientos at Thompson, ayon sa pagkakasunod para sa Gin Kings na bumaba lalo sa ika-11 puwesto hawak ang 1-3 kartada.
