Matapos si Bagyong Tino: Baguhin ang flood control


PULSOhan — Dr. Paul Martinez — Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

Nang tumigil na ang pagyanig ng lupa sa Cebu, marami ang umasa na magsisimula na ang pagbangon. Ngunit bago pa man tuluyang maghilom ang mga bitak sa kalsada at ang sugat sa damdamin, dumating si Bagyong Tino—walang awa, walang tigil, at mas mabigat kaysa inaasahan. Nasusukat ang lakas ng bagyo sa bilis ng hangin, oo—pero sino ang makasusukat sa dami ng tubig na dala nito? Wala.

Bahagyang tama si Gov. Pam Baricuatro nang sabihin niyang mas maraming tubig ang dala ni Tino kumpara kay Odette, na may mas malakas na hangin. Ngunit mali siya sa pagsensasyonalisa, sa pagtatanong ng “Nasaan ang ?26 bilyong flood control?” nang hindi muna sinuri ang mga katotohanan. Leadership demands assurance, not alarmism; solutions, not sound bites. Ang kanyang pahayag ay nagdulot ng pangamba kaysa kapanatagan—isang patunay na minsan, nauuna ang pulitika kaysa responsableng pamamahala.

Ayon sa Truth and Integrity Network (TIN), totoo at nakikita ang mga flood control projects sa Cebu—walang “ghost projects.” Pero bakit bumaha pa rin? Sa aking imbestigasyon, lumalabas na karamihan sa mga flood control system ay luma na ang disenyo. Marami ay “Level 1” lamang—hanggang limang metro ng tubig. May ilan na “Level 2,” hanggang 10. Ngunit si Tino, nagdala ng baha na umabot sa 12 metro. Malinaw ang konklusyon: dapat i-upgrade ang lahat ng flood control sa Cebu sa Level 2 standards.

Dapat repasuhin at i-update ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga disenyo nito ayon sa bagong realidad ng klima. Ayon sa datos, umabot na sa 105 ang namatay sa Visayas at Mindanao—64 sa Cebu: Liloan (23), Compostela (15), Danao (9), Mandaue (9), Talisay (7), at Consolacion (1). Kung wala ang mga flood control na ito, tiyak na mas malala ang trahedya.

Totoo ang climate change, pero mas totoo ang kapabayaan ng tao. Ang walang habas na pagputol ng puno at quarrying sa kabundukan ay nagtanggal sa natural na depensa ng kalikasan. Kaya nang dumating si Tino, hindi na kinaya ng mga bundok—hubad at sugatan—ang rumaragasang ulan. Bumaba ang tubig na parang baha ng isang buwang pighati.

At ngayon, sa kawalan ng pondo para sa flood control sa 2026, nakatatakot ang tanong: anong susunod? Ang susunod na bagyo, lindol, o landslide—ang susunod na Act of God—ay hindi maghihintay sa Kongreso o burukrasya. Hangga’t hindi agad kumikilos ang pamahalaan, mananatiling nakaluhod sa awa ng kalikasan ang mga Cebuano—at lahat ng Pilipinong naninirahan sa mga lugar na binabaha.

* * *

Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.