November 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sisimulan ng nagdedepensang Creamline at Akari ang kampanya para sa quarterfinals spot sa paghataw ng second round ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Lalabanan ng Cool Smashers ang Nxled Chameleons ngayong alas-4 ng hapon, habang haharapin ng Chargers ang Cignal Super Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Matapos ang preliminaries ay nalagay sa Pool C ang ZUS Coffee (5-0), Creamline (3-2), Akari (3-2), Choco Mucho (2-3), Cignal (2-3) at Nxled (0-5).
Magkakasama sa Pool D ang PLDT (4-1), Farm Fresh (4-1), Capital1 Solar Energy (3-2), Petro Gazz (3-2), Chery Tiggo (1-4) at Galeries Tower (0-5).
Sa tournament format, lalabanan ng top three teams ng Pool A ang bottom three squads ng Pool B sa second round patungo sa knockout quarterfinals.
Umiskor ang Cool Smashers ng 23-25, 25-23, 25-23, 25-17 panalo sa Crossovers.
“Hopefully magtuluy-tuloy na ito. Binawi talaga namin ‘yung talo namin from the last game,” sabi ni middle blocker Pangs Panaga sa pagbangon ng Creamline mula sa naunang four-set loss sa ZUS Coffee.
Muling makakatuwang ni Panaga sa Cool Smashers sina American import Coco Schwan, Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Tots Carlos at Kyle Negrito.
Itatapat ng Chameleons sina Spanish import Paola Martinez, Chiara Permentilla, Lyann de Guzman, Jovelyn Fernandez at Lycha Ebon.
Nagmula ang Nxled sa 22-25, 21-25, 20-25 kabiguan sa PLDT sa huli nilang laro.
Sa ikalawang laro, mag-uunahang bumangon mula sa kabiguan ang Chargers at Super Spikers sa hangaring mapatibay ang tsansa sa quarterfinals.
Yumukod ang Akari sa ZUS Coffee, 25-23, 25-22, 23-25, 12-25, 7-15, at talo ang Cignal sa Capital1, 23-25, 23-25, 21-25.
