TNT Tropang 5G makikisosyo sa liderato


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

November 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Makikitagay ulit ang TNT Tropang 5G at Mag­no­lia sa liderato sa krusyal nilang duwelo kontra sa mag­­kaibang karibal sa PBA Season 50 Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Mon­talban, Rizal.

Haharapin ng Tropang 5G (4-1) ang Terrafirma (1-4) ngayong alas-5:15 ng hapon bago ang bakbakan ng Hotshots (4-1) at San Miguel Beermen (3-2) sa alas-7:15 ng gabi.

Tabla sa segunda pu­wes­to ang TNT at Magnolia sa likod ng lider na Rain or Shine matapos ang 91-80 panalo nito sa Phoenix para sa 5-1 kartada.

Ilang linggo nang mag­ka­kadikit sa standings ang tatlong koponan kasama pa ang NLEX (4-2) at Converge (3-2).

Nakataya sa Beermen ang tabla sa hanggang ter­sera puwesto kung mag­wawagi sa pangungu­na nina nine-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Finals MVP Jericho Cruz, Don Trollano, Marcio Lassiter at Mo Tautuaa.

Nakahanda namang hu­mamon sa kanila ang mga bataan ni LA Tenorio sa pamumuno nina Zavier Lu­cero, Mark Barroca, Ian Sangalang at Paul Lee.

Ito rin ang hangarin ng TNT na may tatlong sunod na panalo simula nang tu­maob kontra sa karibal na Ba­rangay Ginebra, 77-92.

Pinakabago sa biktima ng mga tropa ni coach Chot Reyes ang Meralco, 100-98, sa likod ng game-winner ni Rey Nambatac.

Makakasama ni Nam­ba­tac sina Calvin Oftana at Brandon Ganuelas-Rosser para sa misyong mapala­kas ang balikwas matapos matalo sa SMB sa finals ng Season 49 Philippine Cup na siyang dumiskaril sa kanilang Grand Slam.