September 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kumapit sa tuktok ng team standings ang National University matapos nilang pabagsakin ang Far Eastern University, 84-68 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Sinandalan ng Bulldogs sina Omar John, Jake Figueroa at Jolo Manansala upang ilista ang 2-0 baraha at saluhan sa tuktok ng team standings ang Ateneo de Manila University.
Maagang ipinaramdam ng NU ang kanilang bangis nang lapain nila ang 14-point lead, 44-30 sa halftime at hindi sila nagpabaya, inilayo pa ang iskor sa second half para ipalasap sa Morayta-based squad ang dalawang sunod na sadsad.
Pinangunahan ni John ang opensa para sa NU sa nilistang 16 points, siyam na rebounds habang bumakas si Figueroa ng 13 markers, pitong boards at limang assists.
“We needed to reshuffle para makakuha ng right combination and good thing, yung mga ni-reshuffle ko tulad ni Jolo at Omar nag-step up,” pahayag ni NU head coach Jeff Napa.
Sa ikalawang laro, nambarako sina Collins Akowe at Nic Cabañero upang akayin ang host school Universirty of Sto. Tomas sa 93-84 panalo kontra last year’s runner-up De La Salle University.
Tumikada si Cabañero ng 27 points habang 20 ang binakas ni Akowe para sa Growling Tigers na nilapa ang 2-0 baraha na naglagay sa España-based squad sa top spot ng team standings kasama ang Blue Eagles at Bulldogs.