November 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Lyceum of the Philippines University ang kanilang unang back-to-back wins sa paghahamon sa nagdedepensang Mapua University sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.
Nakatakda ang salpukan ng Pirates at Cardinals ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang banatan ng St. Benilde Blazers at San Beda Red Lions sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Solo ng University of Perpetual Help System DALTA ang liderato sa Group A hawak ang 8-1 kartada sa itaas ng Mapua (4-5), Arellano (3-6), San Sebastian (2-7) at Lyceum (2-7).
Tabla naman sa itaas ng Group B ang St. Benilde at San Beda sa pareho nilang 6-3 marka kasunod ang Jose Rizal University (5-4), Letran (5-4) at Emilio Aguinaldo College (4-5).
Umiskor ang Pirates ng 78-66 pagbugbog sa Red Lions tampok ang 24 points ni Joshua Moralejo.
“Sobrang saya, actually, kasi gaya nga ng last year talagang unpredictable kami. So kahit sino puwedeng maging best player. This season, parang ayun ‘yung nawala sa amin eh,” sabi ni Moralejo.
Nakalasap naman ang Cardinals ng 65-75 kabiguan sa Blazers sa kanilang finals rematch.
Sa ikalawang laro, puntirya ng Blazers ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Red Lions.
Nasa isang two-game winning run ang St. Benilde.
Nakatikim ang San Beda ng dalawang dikit na kamalasan.
