Stags napurnada sa Chiefs | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinigilan ng Arellano University ang ratsada ng San Sebastian College-Recoletos, 78-71, sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Kumolekta si T-Mc Ongotan ng 25 points, 6 rebounds, 2 assists at 2 steals sa pagbangon ng Chiefs mula sa naunang kabiguan sa Jose Rizal Heavy Bombers para sa kanilang 4-6 baraha sa Group A.

Nagdagdag si Renzo Abiera ng 20 markers kasama ang dalawang dikit na three-point shots sa dulo ng fourth quarter.

“Magandang panalo ngayon and siguro ‘yung pagkatalo namin sa JRU ay lesson learned,” ani coach Chico Manabat. “Nu’ng bumalik kami sa group namin sabi namin sana dire-diretso na.”

Nagtapos ang dalawang sunod na arangkada ng Stags para sa 3-8 marka.

Isang 12-2 atake ang inilunsad nina Ongotan, A­biera at Joseph Hernal sa bungad ng third period para ibigay sa Arellano ang 52-40 abante mula sa 40-38 halftime lead.

Na­baon ang San Sebastian sa 46-59, ngunit nakabangon sa likod nina Christian Ricio at TJ Felebrico para makadikit sa 65-67 sa fourth quarter.

Ang dalawang sunod na triples ni Abiera ang mu­ling naglayo sa Chiefs sa 73-68 kasunod ang jumper at tatlong free throws ni Ongotan.

Samantala, naglista si rookie Sean Salvador ng career-high 24 points sa 69-66 pagtakas ng Jose Rizal Heavy Bombers (6-5) sa Emilio Aguinaldo College Generals (4-7).