Pinay: Tatlong wika, isang lahi sa Canada


Itinampok sa isang lumang isyu sa RCI/Radio-Canada si Frenzie Bulacso—isang Filipina na na-ging guro sa French immersion program sa Vincent Massey Collegiate, Winnipeg, Manitoba, Canada. Ipinanganak siya sa Pilipinas pero lumaki sa Manitoba, at tinaguriang Franco-Manitoban dahil mahusay siyang magsalita at umunawa sa Pranses bukod pa sa kabisado din niya ang wikang Ingles at Filipino.

Hindi naging madali ang simula para kay Frenzie. Taong 2008 nang dumating siya sa Canada kasama ang kanyang ama at dalawang kapatid. Labing-limang taong gulang siya noon—edad na kung kailan marami pang iniintindi tungkol sa sariling pagkatao at direksyon sa buhay—at unang beses na lilisanin ang bayang kinalakhan. Nauna roon ang kanyang ina, na apat na taon nang naninirahan sa Winnipeg, nagsusumikap at nagsasakripisyo upang maihanda ang lahat para sa kanilang pagdating. Sa Pilipinas, tinutukan ni Frenzie ang pag-aaral ng Ingles para makapaghanda. Pero pagdating niya sa Winnipeg, isang dagdag na hamon ang sumalubong sa kanya—ang wikang Pranses.

“Sinabi sa akin ng aking ina sa Tagalog, ‘Nak, dito pwede kang matuto ng Pranses nang libre’,” ayon sa salaysay ni Frenzie sa RCI. Agad itong pumukaw sa kanyang interes. Hindi na raw siya kinailangang kumbinsihin. Ang simpleng paanyayang iyon ay tila isang pinto na biglang bumukas.

Sa loob ng maraming buwan, nagsanay siya gamit ang isang French dictionary na Petit Robert, tinutunton ang bawat bagong salita, binibigkas ito nang paulit-ulit, at hinuhulma ang dila sa bagong tunog. “Isa ito sa pinakamagandang desisyon na ginawa ko sa buhay ko,” dagdag niya, at palagi raw siyang magpapasalamat sa kanyang ina sa pagdala sa kanila sa Manitoba.

Ayon pa sa panayam, hindi lamang bokabularyo ang nadagdag sa kanya. Pinalawak ng Pranses ang kanyang pananaw sa mundo. “Salamat sa Pranses, nararamdaman kong nakikita ko ang iba—mga Francophone, Francophile, at higit pa—nang may paghanga, compassion, at empathy.” Para kay Frenzie, ang pagiging Francophone ay hindi lang kasanayan kundi pagkakabilang sa isang komunidad na mayaman sa kasaysayan, bukas sa pagtanggap, at nagbibigay inspirasyon. Ngunit malinaw rin sa kanya na hindi kailangang iwan ang pagka-Pilipino para tanggapin ang bagong kultura. Mula sa kanyang lahing Pinoy, dala niya ang diwa ng pamilya at ang kasayahang hindi natitinag sa kabila ng pagsubok. “Ang mga Pilipino ay mahilig tumawa, kumain, kumanta sa karaoke at magsaya sa buhay, anuman ang hamon,” wika niya sa panayam, may kasamang ngiti.

Ngayon, bilang guro, ipinapasa niya hindi lamang ang kaalaman sa wika kundi pati ang disiplina, tiwala sa sarili, at inspirasyong “kaya mo rin.” Masaya siya tuwing may batang Pilipinong pumapasok sa immersion school. “Parami nang parami ang mga pamilyang Pilipino na ini-enrol ang kanilang mga anak sa French o immersion schools, at sa tingin ko iyon ay kahanga-hanga,” sabi niya. Para kay Frenzie, ang pag-aaral ng Pranses ay hindi lamang dagdag na kasanayan kundi isang pamana na maaari niyang ipasa sa sariling mga anak, kasabay ng pagmamahal sa pagka-Pilipino.

Sa Canada, ayon sa Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC), isa sa mga selection factors para sa permanent residency at citizenship ay ang mataas na antas ng kasanayan sa isa o parehong opisyal na wika ng bansa.

Sa programang gaya ng Express Entry, mas mataas ang puntos kung mahusay ka sa Ingles at Pranses. Hindi lamang ito para sa immigration.

Ayon sa datos ng Government of Canada Job Bank, mas mataas din ang pasahod sa mga bilingual workers, lalo na kung parehong Ingles at Pranses ang alam, at mas malawak ang oportunidad sa gobyerno, edukasyon, at pribadong sektor. Sa ilang probinsya, lalo na sa Quebec at New Brunswick, hindi ka matatanggap sa maraming posisyon kung hindi ka marunong ng French.

Sa maraming Pilipinong migrante, ang bagong wika ay madalas tinitingnan bilang dagdag na hadlang.

Marami ang nag-iisip na sapat na ang Ingles dahil iyon ang gamit sa opisina, paaralan, at karamihan nang pang-araw-araw na gawain. Ngunit ang karanasan ni Frenzie ay paalala na minsan, ang hadlang na iyon ang magbubukas ng pinakamalaking pinto. Kapag natutunan mo ang isang wika ng lokal na komunidad, mas madaling makisalamuha, mas mabilis kang nagkakaroon ng koneksyon, at mas nakikita ka bilang bahagi ng lipunan, hindi bilang panauhin lamang.

Sa Quebec, may mga nurse at caregiver na nag-aral ng French sa gabi matapos magtrabaho buong araw para lang makapasa sa language test na hinihingi ng employer. May mga kababayan sa Ontario na sumali sa free language programs ng local government para makakuha ng sertipikasyon bilang interpreter o community worker.

Sa New Brunswick, may mga Pilipino na naging lider ng mga lokal na organisasyon ng Francophone migrants dahil sa kakayahan nilang mag-bridge ng kultura.

Lahat sila, sa iba’t ibang paraan ay pinatutunayan ang sinasabi ni Frenzie: na ang bagong wika ay hindi banta sa ating pinagmulan, kundi dagdag na lakas.

Wika nga niya sa panayam ng RCI, “Dito, sa Manitoba ko natanggap ang Pran-ses. Isang pamana na lubos kong pinahahalagahan… at ipinagmamalaki.”

Sa isang daigdig na patuloy na umiikot at nagbabago, mahalaga ang kakayahang yakapin ang bago nang hindi kinakalimutan ang pinagmulan.

Ito ang isa sa pinakamahalagang aral na maibabahagi ng mga tulad niya sa kapwa Pilipino—dito man o sa ibayong dagat.

* * * * * * * * * * * *

Email- [email protected]