November 17, 2025 | 12:00am
PATAPOS na ang talakayan sa 2026 pambansang budget. Aaprubahan ito ng tatlong plenaryo ng Kamara de Representantes. Tapos, tatlong plenaryo rin sa Senado.
Magsasagawa ng bicameral conference. Bubuo ng sari-sariling panel ang Senado at Kamara. Chairman ng Senate panel ang hepe ng Finance committee nito; chairman ng House panel ang hepe ng Appropriations committee. Pag-iisahin ang dalawang bersyon.
Dito dapat magbantay nang lubos ang mamamayan. Dito kasi nagaganap ang katiwalian.
Kung bukas sa publiko ang bicameral conference, mapapanood dapat ang matinong diskusyon. Igigiit ng magkabilang panels ang kani-kanilang prayoridad at katumbas na gastos sa Edukasyon, Public Works, Social Welfare, Kalusugan, Pabahay, Transportasyon, Agrikultura, Depensa, Pinansya, Foreign Affairs, atbp.
Kung babantayan, hindi mapapalobo ninoman ang budget na nilaan ng dalawang Kamara. Hindi maililipat sa Public Works para pigain ng kickbacks ang pondong laan sa bawat gastusin.
Sa State of the Nation Address nu’ng Hulyo, ninais ni President Bongbong Marcos ang pag-apruba ng Kongreso ng budget na sang-ayon sa mga plano ng Malacañang. Kung hindi’y ipa-uulit na lang niya sa 2026 ang budget ng 2025. Kawawa dito ang bayan.
Kapag reenacted ang budget maaring nakawin ng Presidente at Cabinet members ang perang bayan. Kasi, magkaka pondo muli ang mga proyektong tapos na. Wala namang mga bagong proyekto, kaya maaring mag-imbento lang sila.
Ganitong araw din nu’ng 2024 nag sikretong conference ang bicam. Inilipat ang bilyun-bilyong pisong pondong Edukasyon sa Public Works. Mahigit dinoble sa P37 bilyon ang orihinal na budget ng Kamara. At nagdagdag pa ang Malacañang.