November 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lumakas ang tsansa ng defending champion University of the Philippines na masilo ang twice-to-beat advantage sa final four matapos nilang kalusin ang Adamson University, 70-65 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Tangan ng UP ang 9-3 record matapos ikadena ang pang-limang sunod na panalo at upuan ang pangalawang puwesto sa team standings.
Nagsabwatan sa opensa sina Nigerian forward Francis Nnoruka at Gerry Abadiano para makasiguro ang UP ng playoff sa huling insentibo para sa final four.
Nauna nang naibulsa ng league leader National University ang unang bonus matapos irehistro ang 11-2 karta nang kalusin ang University of the East, 83-74 noong Sabado.
Tumikada si Nnoruka ng 16 points, 12 rebounds, dalawang block at isang steal, 16 points din ang kinana ni Abadiano para sa Fighting Maroons.
Nalasap naman ng Soaring Falcons ang pangatlong sunod na kabiguan kaya naman semplang sila sa No. 6 kasalo ang Far Eastern University tangan ang tig 5-7 baraha.
Sinilat ng Far Eastern University ang last year’s runner-up De La Salle Univeristy matapos suwagin ang manipis na 84-83 panalo sa unang laro.
Sinalpak ni Kirby Mongcopa ang panelyong go-ahead layup para ilista ng Tamaraws ang 5-7 record at manatiling may tsansa na makasampa sa final four.