Zaldy Co, ginulantang ang Pinas!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

November 18, 2025 | 12:00am

SAMU’T SARING teoriya ang kumalat sa social media tungkol sa sunud-sunod na “video confession” ni ex-Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co. Hindi nga biro ito dahil mismong si President Bongbong Marcos at pinsan na si ex-Speaker Martin Romualdez ang pinangalanan ni Co na nasa likod ng P100 bilyon na insertion sa 2025 GAA. Purbidang yawaahhh!

Hayun, naging sentro itong ibinulgar ni Co sa mga patut­sadahan sa social media at na-timing pa ito sa 3-day rally ng Iglesia ni Cristo at sa iba pang grupo, na nanawagan ng BBM Resign. Siyempre, hindi kasama ang INC sa panawagan na ito dahil ang kanilang hinaing ay itigil na ang corruption sa gobyerno at accountability sa bilyones na nawala sa flood control projects.

Ang maganda lang nito, ang Progressive group naman ay ayaw mag-resign si BBM dahil ang uupo, ayon sa Constitution, ay si VP Sara. Araguyyy! Ayaw nila na babalik pa ang Duterte sa trono ng gobyerno. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Nagulantang ang sambayanang Pinoy sa isinaad ni Co na mismong si BBM ang nag-utos sa kanya na “magsingit” ng P100 bilyon sa national budget sa BICam, kung saan siya ang chairman sa loob ng tatlong taon. Sinang-ayunan umano ito ni Romualdez. Araguyyy!

Mukhang pinairal ni Co ang emosyon sa desisyon n’yang iligwak itong sina BBM at ex-Speaker. Saan kaya nanggaling itong “hugot” ni ex-con…este ex-congressman? Siyempre, ma­raming haka-haka kung sino ba talaga ang nasa likod ng expose’ ni Co at kung ano ang motibo n’ya. Sa video naman, sinabi ni Co na isisiwalat n’ya ang katotohanan sa 2025 GAA bago magtagumpay ang grupo na patahimikin siya.

May banta umano sa kanyang buhay, pati kanyang pamilya, kaya lumutang siya. Para naman sa mataba ang imahinasyon, tropa ng Duterte ang nasa likod ni Co. Sanamagan! Puro Duterte na lang? Wala na bang ibang dahilan Mam Usec. Atty. Claire Castro, ang modern Goebbels? Ano ba ‘yan? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Mukhang madaling makalimot si Co. Ang problema, naka­limutan niyang mismong si BBM ang nagbulgar at kumun­dena at nagpaimbestiga sa bilyones na nawawala sa flood control scam noong kanyang SONA ng nakaraang Hulyo. Paano kasi, nasa ibang bansa siya at nagpapagamot kaya mukhang nasobrahan siya ng anaesthesia.

At bilang dating chairman ng House Appropriations Committee hanggang noong Enero 2025 kung saan aprubado na ang 2025 national budget, maraming dapat ipaliwanag si Co, di ba mga kosa? Mismooo! Aniya pa, si Romualdez umano ang nagsabi sa kanya na huwag nang umuwi ng Pilipinas dahil utos din umano ito ng Pangulo. ‘Yan ang kuwento niya.

Subalit ang nakikita natin? Alam ni Co na malapit nang makansela ang kanyang passport at nagpapatulong na rin sa Interpol ang Department of Justice upang matukoy kung nasaan siya at ma-deport pabalik ng ‘Pinas. ‘Ika nga, “lumiliit na ang mundo niya.”  Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

At dahil desperado, nagdesisyon na lang si Co na gumawa ng mga imbentong kuwento para iba ang “madiin” at makalusot siya sa mga kaso. Dipugaaa! Kakasuhan na si Co at ito ang unang hakbang para ma-cancel ang passport niya. Abangan!