Cardinals lumapit sa twice-to-beat | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 19, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sumandal ang nagdedepensang Mapua University kay Yam Concepcion para ungusan ang San Sebastian College-Recoletos sa overtime, 77-72, sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre, San Juan City.

Dumiretso ang Cardinals sa ikatlong sunod na ratsada para itaas ang baraha sa 7-5 sa Group A at dumikit sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.

Laglag ang Stags sa 3-10 marka kasama ang three-game losing skid at lalabanan ang Lyceum Pirates (3-8) sa play-in games.

Sa tournament format, sasagupain ng No. 1 team sa quarterfinals ang mananalo sa No. 4 at No. 5 sa play-in habang magtutuos ang No. 2, may bitbit na ‘twice-to-beat’ bonus, at No. 3.

Kumamada si Concepcion ng 8 points, 8 rebounds at 2 blocks para sa Mapua  habang may 15, 14 at 11 markers sina Cyrus Cuenco, Clint Escamis at Earl Sapasap, ayon sa pagkakasunod.

“Ayokong batiin pero nakikita natin ‘yung magagandang results namin. Hindi pa kami dapat magkumpiyansa,” ani Escamis.

Ang krusyal na three-pointer ni Concepcion ang nagbigay sa kanila ng 75-72 abante sa huling 24 segundo sa extra period habang sinelyuhan ni Cuenco ang panalo sa kanyang dalawang free throws.

Samantala, kinuha ng St. Benilde Blazers (8-4) ang 76-66 panalo sa Jose Rizal Heavy  Bombers (6-7) para kumapit sa No. 2 sa Group B.