Eala, Nadal nag-training sa Spain


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Balik-ensayo na si Alex Eala upang paghandaan ang mga susunod na torneong lalahukan nito.

Nasa Mallorca, Spain si Eala kung saan sumasalang ito sa pukpukang training sa Rafael Nadal Academy.

At masuwerte si Eala dahil nakasama nito sa training ang 22-time Grand Slam champion na si Nadal sa isang practice session.

Mismong si Nadal ang nagpost ng kanilang trai­ning ni Eala.

Ito ang unang pagkakataon na muling nasilayan si Nadal sa court matapos ang isang taon sapul nang magretiro ito.

Kaya naman masaya si Nadal na muling makatungtong sa court.

“One year later, it felt great to be back on a tennis court. It was great to practice with you @alex.eala! Next time I will be stronger,” wika ni Nadal.

Nagpasalamat naman si Eala sa pambihirang pagkakataon na makasama si Nadal sa training.

“Thank you for today Rafa. Back like you never left,” komento ni Eala sa post ni Nadal sa social media.

Kitang kita ang matikas na porma ni Nadal na sinabayan naman ni Eala sa kanyang mahuhusay na shots.

Masayang tinapos ng dalawa ang training sessions nito.

Matatandaang nagretiro si Nadal matapos ang kampanya nito sa Paris Olympics at Davis Cup Finals.

Sa kabilang banda, naghahanda naman si Eala sa pagsabak nito sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand sa Disyembre at sa Macau Masters na idaraos din sa Disyembre sa Macau, China.

Kasalukuyang nasa No. 50 si Eala sa WTA world rankings — ang pinakamataas na puwes­tong nakamit nito