Kamalasan tinapos ng Giant Risers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tinapos ng Titan Ultra ang kanilang apat na dikit na kamalasan sa pamama­gitan ng 97-86 pagbasag sa Blackwater sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila City.

Ito ang ikalawang panalo ng Giant Risers matapos ang 100-96 pagdaig sa Meralco Bolts noong Oktubre 8 na sinundan ng apat na dikit na kabiguan.

Kumabig si veteran forward Calvin Abueva ng 23 at 14 rebounds, habang may 18 at 14 markers si­na Joshua Munzon at Fran Yu, ayon sa pagkaka­sunod.

Bagsak ang Bossing sa pang-apat na sunod na pagkatalo para sa 1-4 baraha.

“We have to change our attitude in the second half kasi nagkanya-kanya ulit kami, hindi kami naka­pag-push ng bola kaya lu­mamang iyong Blackwater,” ani Titan Ultra coach Johnedel Cardel.

Matapos kunin ng Bos­sing ang 47-42 halftime lead ay nagtuwang sina Abueva, Munzon at Von Pessumal para ibigay sa Giant Risers ang 67-60 bentahe sa 3:27 minuto ng third period.

Ang free throw ni Pessumal ang nagbigay sa Titan Ultra ng 12-point lead, 85-73, sa 5:11 minuto ng fourth quarter.

Magkasunod na basket ang ginawa nina Sedrick Barefield at Christian David na naglapit sa Blackwater sa 77-85.

Ngunit nagsanib-puwersa sina Yu, Abueva at Munzon para muling ilayo ang Giant Risers sa 91-77 sa huling 3:03 minuto ng laro.