Elasto Painters nakaiwas sa Dyip


MANILA, Philippines — Matapos ang Converge, ang Rain or Shine naman ang pinahirapan ng talsik nang Terrafirma.

Ngunit sa huli ay nanatiling matibay ang Elasto Painters sa huling dalawang minuto ng laro para igarahe ang Dyip, 94-85, sa PBA Season 49 Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ang ikalawang sunod na ratsada ng Rain or Shine ang nagtaas sa kanilang baraha sa 6-3 para palakasin ang pag-asa sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.

Nahulog ang Terrafirma sa pang-siyam na dikit na kamalasan para sa 1-9 marka.

“Mahirap kasi na if you give them a small window., they’re going to gain confidence,” wika ni Elasto Painters coach Yeng Guiao sa Dyip na muntik ding masilat ang FiberXers matapos magtayo ng 18-point lead bago kumulapso sa fourth period. “It’s really different playing without pressure from them and give a good show.”

Umiskor si Jhonard Clarito ng 12 points para sa Rain or Shine at may 11 at tig-10 markers sina Andrei Caracut, Leonard Santillan, Francis Escandor at Anton Asistio, ayon sa pagkakasunod.

Pinamunuan ni Louie Sangalang ang Terrafirma sa kanyang 22 points kasunod ang 18 markers ni Stanley Pringle.

Kinuha ng Dyip ang 28-20 bentahe sa pagsisimula ng second period bago nag­hulog ang Elasto Painters ng isang 14-0 bomba para iposte ang 34-28 bentahe.

Pinalobo ito ng Rain or Shine sa 62-48 mula sa basket ni Escandor sa 5:59 minuto ng third quarter patungo sa 73-55 kalamangan papasok sa fourth quarter.

Ilang beses nakalapit ang Terrafirma sa final canto, ang huli ay sa 80-83 ga­ling sa tirada ni Brent Paraiso sa huling 3:33 minuto.