November 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hindi masisilayan sa aksyon si Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee sa 2025 Southeast Asian Games na papalo sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Kinumpirma ni Gilas Pilipinas head coach Norman Black ang masaklap na balita matapos ipaalam ng Thailand SEA Games organizers sa kanila na hindi maaaring maglaro ang isang naturalized player sa biennial meet.
Kaya naman nagulantang si Black dahil maaapektuhan nito ang lineup ng kanyang tropa.
Maliban kay Brownlee, hindi rin makakalaro si Angelo Kouame na isa ring naturalized player na kasama sa Gilas lineup na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Thailand SEA Games organizers.
“The rules and regulations came as a big surprise for us because they could have done this earlier,” ani Black sa isang ulat.
Dahil dito, maiiwan ang pasanin kina Bobby Ray Parks, Matthew Wright, Thirdy Ravena, Dave Ildefonso, Jason Brickman, Filipino-American Remy Martin, TNT big man Brandon Ganuelas-Rosser, Mike Phillips, Kymani Ladi at Veejay Pre.
Wala pang linaw kung maaari pang palitan sina Brownlee at Kouame sa official lineup ng Gilas.
Isa sa posibleng isama sa lineup si Quentin Millora-Brown na bahagi ng Gilas na sasabak sa FIBA World Cup Asian Qualifiers first window na lalarga sa Nobyembre 28 sa Guam.
