Unang panalo sisipain ng Filipina5


Olmin Leyba — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling susubukan ng Philippine national na ma­kapagtala ng panalo sa FIFA Futsal Women’s World Cup sa pagsagupa sa Morocco sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Haharapin ng Filipina5 ang mga Atlas Lionesses sa Group A ngayong alas-8:30 ng gabi.

Parehong nakalasap ng 0-6 kabiguan ang Filipina5 at Morocco sa kanilang mga unang laro laban sa Poland at Argentina, ayon sa pagkakasunod.

Angat sa duwelo ang Morocco na reigning Wo­men’s Futsal Africa Cup of Nations titlist at pagiging World No. 31 seed kontra sa No. 63 Philippine squad.

“Bilog po ang bola,” sabi ni Filipina5 co-skipper Inday Tolentin sa kanilang upakan ng mga Moroccans sa inaugural global meet na suportado ng Philippine Sports Commission at Phi-lippine Football Federation.

“Gagawin po namin ang lahat para maipanalo ‘yung laban at lalaban kami para sa team, para sa bayan and para sa mga taong naniniwala sa amin,” dagdag ni Tolentin.

Kumpiyansa rin sa kanilang tsansa si coach Rafa Merino mula sa nakuha nilang eksperyensya sa debut game laban sa No. 14 Poland.

Sa alas-6 ng gabi magtutuos ang World No. 6 Argentina at Poland para sa agawan sa 2-0 record.

Samantala, blinangka ng reigning Asian champion at No. 5 Japan ang No. 21 New Zealand, 6-0, sa Group C, habang wagi ang No. 2 Spain sa No. 4 Thailand, 5-2.