Phoenix talsik sa NLEX | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines —  Ipinakita ni Javee Mocon na hindi lamang si Ro­bert Bolick ang maaasahan ng NLEX.

Humugot si Mocon ng 13 sa kanyang 23 points sa fourth quarter para sa 105-95 pagsibak ng Road Warriors sa Phoenix Fuel Masters sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pinalakas ng NLEX ang pag-asa sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals sa kanilang kartada sa 7-2 at kaagad nakaba­ngon mula sa kabiguan sa nagdedepensang Meralco Bolts na pumigil sa kanilang six-game winning streak.

“I think it’s having an open mind to the way that we want to play and second is their selflessness,” wika ni coach Jong Uichico na nakahugot kay Bolick ng 20 markers.

Makakamit ng NLEX ang inaasam na bonus sa quarterfinals kung tatalunin ang Magnolia at NorthPort sa kanilang huling dalawang laro.

Laglag ang Phoenix sa ikaapat na dikit na kamalasan para sa 2-7 marka at tuluyan nang nawala sa kontensyon kasama ang NorthPort (1-7), Blackwater (1-7) at Terrafirma (1-8).

Mula sa 32-25 abante sa first period ay lumayo ang Road Warriors sa se­cond quarter, 42-30, matapos ang jumper ni Matt Nieto.

Nagawang makalapit na Fuel Masters sa 78-82 sa pagbubukas ng final canto sa likod nina Jason Perkins, Kai Balunggay at Ken Tuffin.

Ngunit bumida si Mocon kasama si Xyrus Torres para muling ilayo ang NLEX sa 100-89 sa huling 3:28 minuto ng bakbakan.

Pinangunahan ni Perkins ang Phoenix sa kanyang 28 points habang may 17 at tig-11 markers sina Tuffin, Ballungay, Tyler Tio at RR Garcia, ayon sa pagkakasunod.