Lalaki sa Japan, inaresto matapos maglagay ng bote ng ihi sa shelf ng convenience store!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

INARESTO ng mga pulis sa Funabashi, Chiba Prefecture ang isang 26-anyos na lalaki matapos maglagay ng plastic bottle na may lamang ihi sa shelf ng isang convenience store.

Ang suspek na si Kota Shiozawa, isang office worker, ay nahaharap sa kasong obstruction of business.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong nakaraang Mayo 2025. Dinala ni Shiozawa ang isang PET bottle na may label ng isang kilalang brand ng tsaa ngunit ihi pala ang laman nito, at inilagay sa lagayan ng mga inumin.

Isang customer ang naka­bili ng nasabing bote. Mabuti na lamang ay hindi niya ito nainom dahil agad niyang napansin ang kakaibang amoy pagkabukas pa lamang nito. Agad niya itong ini-report sa tindahan.

Dahil sa insidente, naantala ang operasyon ng convenience store dahil kinailangang inspeksyunin ang lahat ng produktong inumin sa shelf.

Nakilala si Shiozawa sa pamamagitan ng CCTV footage.

Nang tanungin, sinabi ng suspek na “prank” lang ito at wala siyang intensiyon na manggulo sa negosyo. Ginawa lang daw niya iyon dahil “frustrated” at hindi maayos ang takbo ng kanyang career.