November 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sisikapin ng De La Salle University na masikwat ang panalo pagharap nila sa karibal na Ateneo de Manila University upang masiguro ang pagsampa sa semifinals ng UAAP Season 88 men’s basketball.
Magsisimula ang bakbakan ng Green Archers at Blue Eagles sa alas-4:30 ngayong hapon na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum habang magtatapat sa unang laro ang host school University of Sto. Tomas at Far Eastern University sa ala-1:30 ng hapon.
Nasa pang-apat na puwesto ng team standings ang Taft-based squad tangan ang 7-6 record, magkasalo sa pang-lima ang Tamaraws at Blue Eagles hawak ang tig-6-7 cards.
Kaya importante sa DLSU ang panalo upang hindi na makahabol ang mga nasa likuran nila at posibleng masilo pa ang No. 3 seed sakaling matalo ang Growling Tigers sa FEU.
Tiyak na sa playoff para sa final four ang La Salle kailangan nilang manalo para diretso na sila sa susunod na phase.
“Just like how we approached this game, we forgot what was at stake and coming off a two-game losing streak, we threw it all out the window and focused on every possession. For sure, it’s always gonna be talked about [and] there’s going to be a lot of pressure, but what’s important for us is to prepare for the battle,” ani La Salle head coach Topex Robinson.
Paniguradong si Mike Phillips pa rin ang magiging pangunahing armas ng Green Archers para matupad ang kanilang inaasam na panalo.
Noong Sabado ay sinilat ng La Salle ang top seeded na National University, 87-82.
Samantala, inaasahang mapapalaban ang La Salle dahil may tsansa rin ang Blue Eagles na makapasok sa F4.