November 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Target ng Pilipinas na magkaroon ng magarbong pagtatapos ang kampanya nito sa 2025 FIFA Futsal Women’s World Cup na ginaganap sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Subalit daraan sa matinding pagsubok ang Pinay booters dahil makakasagupa nito ang Group A leader Argentina ngayong gabi sa huling araw ng group stage.
Nakatakda ang laro ng Pilipinas at Argentina sa alas-8:30 ng gabi.
Hangad ng Filipina5 na tuldukan ang pagkauhaw nito sa panalo matapos yumuko sa kanilang unang dalawang asignatura.
Natalo ang Pinay squad sa Poland (0-6) at Morocco (2-3) dahilan para bumagsak ito sa 0-2 rekord at tuluyan nang mamaalam sa kontensiyon.
Ngunit desidido ang Pinay booters na gumawa ng ingay at maitarak ang upset win laban sa world-ranked team na Argentina.
“It’s the World Cup, they’re playing in their home country so that’s more than enough motivation for the players,” ani Philippine coach Rafa Merino.
Masaya si Merino dahil nailista ng Pilipinas ang unang goals nito sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation.
Galing ito kina Inday Tolentin at Cathrine Graversen subalit hindi ito sapat para makuha ang panalo laban sa Morocco.
Krusyal din ang magiging laban ng Poland at Morocco na parehong may 1-1 rekord sa Group A sa ilalim ng Argentina na may 2-0 marka.