MANILA, Philippines — Ang PLDT lamang ang nagwalis ng kanilang limang laro sa pool play papasok sa quarterfinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.
Itutuloy ito ng High Speed Hitters sa pagharap sa ZUS Coffee Thunderbelles ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Akari Chargers sa alas-4 ng hapon sa agawan sa semifinals ticket sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ito ang unang pagtutuos ng PLDT at ZUS Coffee na sinibak ang Choco Mucho, 22-25, 20-25, 25-16, 25-17, 15-10, sa crossover knockout game noong Martes.
Pamumunuan nina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Mika Reyes, Majoy Baron at Kim Fajardo ang High Speed Hitters kontra kina Chinnie Arroyo, Jov Gonzaga, Fiola Ceballos, Kate Santiago, Cloanne Mondoñedo at rookie AC Miner ng Thunderbelles.
Sa huling dalawang laro lamang ng PLDT sumalang si Davison sa kanyang pagbabalik matapos magbakasyon sa Canada.
“I think for me, I’m just glad to be back with the team. It’s nice to be a part of something and contribute whether I’m on the court, off the court, whatever I can do,” ani ng 27-anyos na si Davison.
Ang pagpapatalsik naman sa Choco Mucho ang naghanda sa ZUS Coffee sa quarterfinals, ayon kay Gonzaga.
“Nakadalawang quarterfinals appearance na ‘yung team so far—na bumubunga ‘yung hirap namin sa training,” ani Gonzaga.
