PSC, POC kumpiyansa sa tsansa ng Team Philippines sa SEAG


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Kumpiyansa ang mga top sports officials sa magi­ging kampanya ng Team Philippines sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre 9 hanggang 20.

Pinamunuan kahapon nina Philippine Sports Commisson (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio at Phi­lippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang send-off ceremony para sa de­legasyon sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.

Kapwa nangako ng bonus sina Gregorio at Tolentino para sa mga atletang mag-uuwi ng gold medal mula sa 2025 SEA Games.

Hangad ng Team Philippines na malampasan ang fifth-place finish sa Cambodia SEA Games noong 2023.

Humakot ang mga Pinoy athletes ng kabuuang 58 golds, 86 silvers at 116 bronzes.

“Napaka-lively and energetic and confident na iyong ating mga athletes,” sabi ni POC secretary-general Atty. Wharton Chan.

“Binigay natin lahat para sa kanila, they are all equipped, they have all the arsenals they need to compete, to win and get the much-needed gold for our country. So this SEA Games will boost our confidence,” dagdag nito.

Sasalang kaagad sa aksyon ang mga national athlete sa Disyembre 3 sa football at polo events ilang araw bago ang opening ceremony.

Ang 1,168 atleta ang pinakamalaking Philippine delegation na sasabak sa SEA Games history.

Makikipag-agawan sa gintong medalya ang mga atleta sa 50 sports at makakasama ang halos 500 officials, coaches at staff.

Pinamunuan ni Agatha Wong, ang five-time SEA Games wushu gold medalist, ang mga national athletes sa kanilang ‘message of commitment’.