Pilipino Star Ngayon
December 4, 2025 | 12:00am
SAN FRANCISCO — Humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 38 points kasama ang krusyal na three-pointer sa 3:34 minuto ng fourth quarter para tulungan ang nagdedepensang Oklahoma City Thunder sa 124-112 pagdaig sa Golden State Warriors.
Nagdagdag si Jalen Williams ng 22 points at 6 assists para sa Thunder (21-1), habang kumolekta si Chet Holmgren ng 21 points at 8 rebounds.
Umiskor si Brandin Podziemski ng 17 points sa panig ng Warriors (11-11) at may 14 markers si Seth Curry para sa kanyang debut.
Hindi naglaro ang kanyang kuyang si Stephen Curry sa ikalawang sunod na pagkakataon dahil sa bruised left quadriceps at muscle strain na nalasap niya sa kanilang laban sa Houston Rockets.
Wala rin sa aksyon si Jimmy Butler na may sore left knee.
Ang buzzer-beating triple ni Podziemski sa pagtatapos ng third period ang nagdikit sa Golden State sa 88-91.
Kasunod nito ay ang arangkada nina Gilgeous-Alexander, Williams at Holmgren sa fourth quarter para sa kanilang panalo.
Sa iba pang laro, niratrat ng Boston Celtics ang New York Knicks, 123-117; wagi ang Toronto Raptors sa Portland Trail Blazers, 121-118; tinalo ng Philadelphia 76ers ang Washington Wizards, 121-102; at giniba ng San Antonio Spurs ang Memphis Grizzlies, 126-119.
