Adik sa cp ang lola


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

December 12, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Kung dati ang pinagbabawalan sa sobrang paggamit ng cellphone ay ang mga anak namin. Baligtad na ngayon. Dahil ang lola na nila ang dapat pagbawalan. Ang problema, lahat nang napapanood ng nanay ko sa FB ay agad niyang pinaniniwalaan. Inaabot siya ng alas-2 ng madaling araw sa pag-scroll sa mga feeds sa FB. Ang nakalulungkot ay hindi tumatanggap ng paliwanag ang nanay ko. Kahit sabihin ko pang puro fake news ang pinapanood niya. Galit pa siya kapag sinasabihan din ng mga apo niya. At tuloy nagkukulong sa kwarto si nanay na adik na rin sa cp. Paano ko ba aawatin ang nanay ko sa kaka-cellphone. Tama ba na i-delete ko na lang ang fb niya?

Zenya

 

Dear Zenya,

Iba na nga ang panahon ngayon. Pero makatutulong kung ilalabas o ipapasyal minsan si lola. Ito’y upang maibaling ang kanyang atensyon sa iba. Hindi rin solusyon ang pag-delete ng FB niya. Bagkus ay samahan ninyo siya na magsimba at makipagkaibigan sa mga kakilala para magkaroon siya ng tunay na koneksiyon sa totoong mga kaibigan at hindi fb friends. Marahil ay nalulungkot lang ang nanay mo, kung kaya ang pagtutok sa cellphone ang siyang nagiging libangan niya.

Dr. Love