Katrina inspired, may bagong love life


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

February 26, 2025 | 12:00am

Maglalabing-tatlong taong gulang na ngayon ang anak nina Katrina Halili at Kris Lawrence na si Katie. Tatlong taong gulang pa lamang ang bata nang madiskubreng mayroong mild autism ayon kay Katrina. “Wala siyang eye contact kapag tinatawag siya. Sabi ng doctor niya, ipa-check ko daw. Kasi gano’n ‘yung symptoms niya. Ayun nga, na-diagnose na meron, ginamot. Sinunod kung ano ‘yung mga kailangan niya, therapy,” kwento ni Katrina sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.

Hindi raw naging madali para sa aktres ang pinagdaanan sa anak noon. Bilang isang ina ay kailangang harapin ni Katrina ang kondisyon ni Katie. “Hinarap ko, medyo (mahirap), kapag hindi mo inaral maguguluhan ka na lang. May times dati na naiiyak ako na hindi ko nakakasama ang anak ko. Ang gulo-gulo, nagta-tantrums nang bonggang-bongga. Mahirap pero kailangang tanggapin mo. Pero ngayon sobrang okay na siya. Okay siyang kasama, masarap siyang kausap, sobrang sweet. Gano’n po yata siguro kapag umpisa,” emosyonal na pagbabahagi niya.

Proud si Katrina sa talento ni Katie sa pagkanta. May pagkakataong nakapagtatanghal pa ang anak sa mall show. “‘Yung mga katulad ni Katie dapat may outlet sila. Happy ako na meron siyang ginagawang iba. Mahilig siya sa music, mahilig siyang kumanta. Nagmo-mall show pa siya. ‘Yung school nila nagmo-mall show tapos gustung-gustong mag-perform,” dagdag pa ng aktres.

Enero taong 2014 nang magkahiwalay sina Katrina at Kris. Kahit matagal nang hindi magkasama ay mayroon pa rin umanong komunikasyon sa pagitan nina Kris at Katie. Katulong ni Katrina ang ina sa pag-aalaga kay Katie. “Okay naman po, nagkikita sila (ni Kris) minsan. Lagi naman akong nandiyan for her, kung ano ‘yung mga kailangan niya. Tapos ‘yung mama ko nandiyan din, tinutulungan po ako. Ang hirap,” pagtatapat ng Kapuso actress.

Nagbigay rin ng mensahe ang aktres sa anak tungkol sa pag-ibig o pagmamahal. “Love yourself muna. ‘Yon ang una kong ituturo sa kanya. Kasi nga po feeling ko, wala akong sinabi, baka magalit mama ko. Feeling ko lang, hindi ako love (ng Nanay ko). Pero love ako ng nanay ko by actions, hindi salita, ‘di ba po? Feeling ko, so hinanap ko ‘yung love sa labas. So ayaw kong ganoon ang maramdaman ng anak ko. Kailangan sa akin niya maramdaman ‘yung love, hindi niya hahanapin kung kani-kanino. ‘Pag mahal mo sarili mo and nirerespeto mo ‘yung sarili mo, okay naman ‘yung pupuntahan mo eh,” makahulugang paglalahad ni Katrina.

Samantala, matatandaang namatay ang kasintahan ni Katrina na si Jeremy Guiab mahigit isang taon na ang nakalilipas. Hindi man nagbigay ng detalye tungkol sa bagong nagpapatibok sa puso ay masaya raw ang aktres sa kanyang buhay-pag-ibig ngayon. “Inspired lang ako, masaya lang. Yes, ayun na nga, Tito Boy, masaya,” nakangiting pagtatapat niya. — Reports from JCC