Pilipino Star Ngayon
December 12, 2025 | 12:00am
Dati, ipinauubaya lamang ni President Ferdinand Marcos Jr. ang paghahayag ng mga mahahalagang report kay Undersecretary of the Presidential Communications Claire Castro pero noong Miyerkules ang Presidente mismo ang naghayag na kanselado na ang passport ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. Sa video message, sinabi ni Marcos na inatasan na niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada sa iba’t ibang bansa upang matunton ang kinaroroonan ni Co. Ayon sa report, nasa Portugal si Co at gumagamit ng Portuguese passport.
Mahigpit umano ang tagubilin ni Marcos sa mga awtoridad na ipagbigay-alam agad sa kanya ang kinaroroonan ni Co at nang maibalik agad siya sa bansa. Tiyakin daw na hindi maglilipat-lipat ng bansa si Co para magtago.
Noong nakaraang buwan, humarap din sa video message ang Presidente at sinabihan si Co na umuwi na at harapin ang mga inaakusa sa kanya. Dito raw panumpaan ang mga sinasabi.
Naglabas ng mga serye ng video si Co noong Oktubre. Sa unang bahagi ng video, sinabi ni Co na sina President Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng P100 bilyong insertions sa 2025 budget. Ginamit lamang umano siya ng dalawa. Ang mga ito rin umano ang nagpayo na manatili siya sa ibang bansa at maghintay sa mga susunod na hakbang.
Sa ikalawang bahagi ng video, ibinunyag ni Co na siya mismo ang nagdala ng male-maletang pera kay Marcos at Romualdez sa mga bahay nito sa Forbes Park at nagdala rin siya sa Malacañang.
Siya raw at kanyang mga security ang nag-deliver ng pera at meron daw itong record. Mariing sinabi ni Co na walang perang napunta sa kanya. Lahat daw nang insertion sa 2025 budget ay napunta kay PBBM. Ipinakita rin ni Co ang video ng mga maleta na pinaglagyan umano ng perang idiniliber ng kanyang dating aide na si Orly Guteza sa Malacañang at Forbes Park.
Tumigil ang pagpapalabas ng video ni Co, nang ihayag ng pamahalaan na natunton na ang kinaroroonan nito at naglaan ng pabuya sa mga magtuturo ng kanyang kinaroroonan. Nanawagan din sa mga Pinoy sa ibang bansa na i-report sakali at maispatan si Co.
Ngayong kanselado na ang passport ni Co, madali na siyang mahuhuli. Dapat agarang maibalik sa bansa ang dating mambabatas para masagot niya ang lahat ng mga akusasyon. Gawin lahat ng pamahalaan ang lahat ng paraan para siya maibalik. Kung naibalik sa bansa si dating congressman Arnolfo Teves na nagtungo sa Timor-Leste, maaari ring magawa kay Co.
Inaabangan ng mamamayan ang pagpapabalik kay Co—isa sa “malaking isda”.
