Naputol na taynga ng babae, ikinabit muna sa paa saka ibinalik sa ulo!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

December 12, 2025 | 12:00am

Isang kakaibang medical procedure ang naging usap-usapan sa Shandong, China matapos ang matagumpay na reconstructive surgery sa isang babae kung saan pansamantalang ikinabit ang naputol niyang taynga sa kanyang paa sa loob ng halos kalahating taon.

Nangyari ang aksidente sa isang pabrika kung saan sumabit ang buhok ng biktima sa isang heavy machinery.

Sa lakas ng hila, natuklap ang kanyang anit at tuluyang natanggal ang kanyang kaliwang taynga.

Bagama’t nakaligtas siya sa kamatayan, naging problema ng mga doktor kung paano isasalba ang kanyang taynga. Hindi ito maaaring ikabit agad sa orihinal na puwesto dahil sira na ang mga blood vessels dito.

Bilang solusyon, napagdesisyunan ng medical team na pansamantalang i-transplant ang taynga sa instep o ibabaw ng kanyang paa.

Ito ang napiling parte dahil manipis ang balat dito at tugma ang laki ng mga ugat sa tenga, na mahalaga para manatiling buhay ang tissue.

Tumagal ng 10 oras ang unang operasyon. Gumamit ang mga surgeon ng mga karayom at sinulid na mas manipis pa sa hibla ng buhok upang pagdugtu­ngin ang mga microscopic blood vessels.

Matapos ang ilang araw na critical observation, naging kulay rosas muli ang taynga—senyales na maayos ang daloy ng dugo.

Sa loob ng limang buwan, kinailangan ng pasyente na magsuot ng maluluwag na sapatos upang hindi maipit ang tenga sa kanyang paa.

Pinaglakad-lakad din siya nang sapat lang para mapanatili ang blood circulation habang hinihintay na gumaling ang skin graft sa kanyang anit.

Nitong Oktubre isinagawa ang huling yugto: ang pagbabalik ng taynga sa ulo. Naging pahi­rapan ito dahil kinailangang hanapin ng mga doktor ang mga usable nerves at blood vessels sa napinsalang anit gamit ang microscope.

Sa kabutihang palad, naging matagumpay ang operasyon at naibalik na ang taynga sa tamang kala­lagyan nito.