December 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Patay ang isang retiradong pulis matapos barilin habang nanonood ng sabong ng manok sa isang cockpit arena sa Brgy. San Policarpio, Calbayog City, Samar nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima sa palayaw lamang nitong Nonoy, 57-anyos, residente ng Brgy. Monbon, Sta. Margarita, Samar.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-8 nangyari ang insidente sa Ipao Sports Complex, sa Brgy. Policarpio ng lungsod na ito pasado alas-8 ng gabi. Masayang nanonood ng sultada ng mga panabong na manok ang biktima nang biglang lumapit sa kinaroroonan nito ang salarin na nakasuot ng kulay abong long sleeve, nakaitim na short at nakasumbrebo ng kulay ube.
Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ng tatlong beses ang target na duguang bumulagta sa loob ng sabungan.
Bago tuluyang tumakas ang suspek, dalawang beses pa niyang pinaputukan ang biktima upang masiguro na patay na ito.