December 31, 2025 | 12:00am
SA mga sinabi ng kaibigan ni Apol na si Kit, naalala naman niya ang sinabi noon ni Tandang Santo na may darating na suwerte sa kanila. Hindi lamang sinabi ng matanda kung ano ang suwerteng iyon pero may darating.
Ngayon, ang kaibigang si Kit naman ang nagsabi na may darating na suwerte sa kanila dulot ng kambal. Pero hindi rin masabi ni Kit kung anong suwerte ang darating.
“Tandaan mo ang sinabi ko, Pareng Apol, malaking suwerte ang idudulot nina Kambal,” sabi ni Kit.
“Pero hindi kami tatama sa lotto, Bro?”
“Paano ka nga tatama sa lotto e hindi ka naman tumataya.”
“Malay mo may mangyaring ganun, hindi tumaya pero nanalo.”
“Walang ganun Pre.”
Ang nakikinig na si Guava ay nakisali sa usapan.
“Pareng Kit, hindi kaya makahukay kami ng kayamanan—’yun kaya ang magiging daan ng aming pagyaman.”
“Hindi Mareng Guava. Talagang itong sina Kambal ang magdudulot ng suwerte sa inyo.”
“Ano kaya ‘yun, Bro?” tanong ni Apol.
“Hintayin n’yo na lang Pare, Mare.”
“Bro paano ka natuto manghula?” tanong ni Apol.
“Kusang dumating Pre. Nalaman ko na lang na marunong akong bumasa ng mangyayari.”
LUMIPAS pa ang mga taon, nagpakita na ng mga senyales ang dalawang kambal na kakaiba sila,
Matatalino sila. Kaya nang magbasa at mag-compute sa murang edad. Hindi makapaniwala sina Apol at Guava sa talino nina Doro at Thea.
Itutuloy