Kinidnap si Digong? Labas-labas din sa kuwebang karton!


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

January 7, 2026 | 12:00am

SABI ng mga “alagad ng karton,” kung galit daw ang mara­ming bahagi ng mundo sa diumano’y pagdukot ni U.S. Pre­sident Donald Trump kay Venezuelan leader Nicolas Maduro, bakit hindi raw kinokondena ang “kidnapping” ng International Criminal Court (ICC) sa kanilang poon na si Rodrigo Duterte, ang patron saint ng Tokhang.

Hindi pa sila nakuntento rito, nanawagan din sila kay Trump na palayain si Duterte mula sa ICC detention facility at ibalik sa Pilipinas.

Diyos ko, Lord. Sumakit ang ulo ko roon, ah.

Kinidnap si Digong? Talaga ba? Binomba ba ng ICC ang Pilipinas? May aircraft carrier bang dumaong sa Manila Bay? May Delta Force bang bumaba sa Maynila suot ang night-vision goggles habang may Black Hawk sa ere para dukutin si Duterte?

At teka, bakit sa U.S. sila humihingi ng tulong para iuwi si Duterte? Akala ko ba anti-U.S. sila, gaya ng kanilang tatay? Bakit hindi sa China? Sayang naman ang pagpapakatuta nila sa Beijing at pagtataksil sa West Philippine Sea.

Ibalik natin sa realidad ang “karton network”.  Ang ICC ay naglabas ng isang legitimate warrant of arrest laban kay Duterte para sa kasong crimes against humanity. Ang warrant ay ipinatupad ng Interpol, sa koordinasyon mismo ng pamahalaang Pilipino.

Ang ICC ay binubuo ng lampas 100 bansa. Samakatuwid, ang pag-aresto at pagkulong kay Digong ay may suporta nang malaking bahagi ng international community.

Isang ganap na kahibangan ang ikumpara ang sitwasyon sa Venezuela sa kaso ni Duterte. Walang geopolitical analyst na nasa tamang pag-iisip ang gagawa niyan. At saka, hindi ba si Duterte mismo ang nagsabing handa siyang kunin ng ICC? Ayan. Wish granted.

Baka nakakalimutan nila, dahil sa kidnapping narrative, kasabay ng walang patid na trolling sa mga ICC judges at mga kontrobersiyal na pahayag ni impeached Vice President Sara Duterte, lalong hindi nabigyan ng interim release si Duterte. Salamat. Pinadali nila ang trabaho ng ICC prosecutors.

Kaya huwag nang magtaka kung bakit hindi dumadagsa ang simpatya ng mundo para kay Duterte. Mahirap talagang damayan ang isang self-confessed mass murderer. Iyan ang katotohanan.

Kaya “think outside the box”. Labas-labas din sa kuwebang karton. Hindi kinidnap si Digong. Siya ay inuusig ng hustisya at pananagutan.