Lalaki sa China, naospital dahil sa ipinasok niyang linta sa ari na gumapang sa pantog!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 14, 2026 | 12:00am

ISANG 23-anyos na lalaki mula sa Zhengzhou, Henan Province ang isinugod sa emergency room at kinailangang operahan matapos niyang ipasok ang isang 5-cm na buhay na linta sa kanyang ari na gumapang patungo sa pantog o bladder.

Ayon sa ulat, ang lalaking kinilalang si “Zheng” ay naniwala sa nabasa niyang traditional folk remedy sa social media na nagsasabing may “himalang epekto” ang paggamit ng linta para sa kalusugan, kaya naman sadya siyang naghanap at bumili ng buhay na linta upang isagawa ang delikadong proseso sa kanyang sarili.

Sa halip na guminhawa, dumanas nang matinding hirap si Zheng.

Una itong bumara sa kanyang daluyan ng ihi (urethra) kaya hindi siya makaihi, hanggang sa tuluyan itong gumapang papasok sa kanyang pantog.

Sa loob, kumapit ang linta sa bladder walls at naglabas ng anticoagulants, na nagdulot ng matinding pananakit sa pasyente.

Agad na nagsagawa ng transurethral surgery ang mga doktor upang matanggal ang linta at mailigtas ang lalaki.

Bagama’t naging matagumpay ang operas­yon, nagbabala ang ekspertong si Dr. Shan Zhongjie na ang ganitong padalus-dalos na pagsunod sa mga nababasa at napapanood sa social media ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala, tulad ng chronic pain, impeksiyon, at urinary dysfunction.