January 17, 2026 | 12:00am
ANG clostridium tetani ay bacteria na nagdudulot ng tetanus infection. Pumapasok ang bacteria sa loob ng katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat. Kung mas malaki at mas marumi ang sugat ay mas mataas ang tsansa ng tetano.
Dahil dito, kahit anong sugat a=y dapat linisin agad para hindi pasukan ng bacteria na tetanus. Nakikita ang nasabing bacteria sa lupa at maruruming lugar.
Ang sintomas ng tetano ay ang lagnat, paninigas ng bibig at mga masel sa leeg. Nahihirapang lumunok at naninigas ang tiyan at katawan. Madaling masilaw at maingayan.
Kapag nagkaroon ng sintomas ay mahirap na itong gamutin. Puwede itong umabot sa hirap ng paghinga, pagkabit sa isang ventilator at pagkamatay. Kaya kailangan na dalhin agad sa ospital.
Mas madali ang pag-iwas sa tetano kaysa sa paggamot nito. Hanggang ngayon, wala pang tiyak na lunas sa tetano.
Sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Huwag balewalain ang paso at sugat kahit gaano man ito kaliit. Lalo na ang mga sugat mula sa paputok, pagkabaril, aksidente at maruming bakal at bagay.
2. Bilang pangunahing lunas, hugasan ang sugat ng sabon at malinis na tubig. Kapag marumi ang sugat, pumunta sa doktor para malinis ito ng maigi.
3. Pumunta agad sa health center o ospital para mabigyan ng bakuna kontra tetano. Nagbibigay din ang doktor ng antibiotic para mabawasan ang iba pang mikrobyo.
4. Kung wala pa kayong bakuna sa tetano, puwede nang magpabakuna laban dito kahit wala pang sugat. Binibigay ang booster dose (o dagdag bakuna) bawat 10 taon.
5. Maging maalam at malinis sa katawan. Sugat ay ingatan at huwag balewalain. Kumonsulta agad sa doktor.
* * *
Nail fungal infection
Ang nail fungal infection ay kadalasang nangyayari sa daliri sa paa dahil nakakulong ang mga ito sa madilim, mainit at mamasa-masang paligid ng sapatos. Ito ay nagsisimula sa maliliit na puti o dilaw na spot sa kuko ng paa. Depende sa uri ng fungus, ang kuko ay maaaring mag-iba ang kulay, kumapal, maging malutong. Ang ibabaw ng kuko ay nawawala ang kintab.
Ang fungal infection ay dumarami dahil sa matinding pagpapawis, pagtatrabaho sa basang paligid, pagsuot ng sapatos ng matagal at kung may diabetes.
Tips para maiwasan ang nail fungal infection:
1. Iwasan na sobra ang haba o ikli ng kuko. Gupitin ang kuko ng diretso.
2. Panatilihin ang paa na laging malinis at tuyo. Tuyuin ang paa at pagitan ng mga daliri, pagtapos maligo.
3. Palitan ng madalas ang medyas, lalo na kung ang paa ay sobrang magpawis.
4. Hubarin paminsan-minsan ang sapatos tuwing umaga o pagtapos mag-ehersisyo.
5. Gumamit ng mga anti-fungal spray o powder sa iyong sapatos.
6. Huwag gupitin ang balat sa paligid ng kuko.
7. Iwasang maglakad ng nakapaa sa maruming pampublikong lugar gaya ng swimming pool, shower at locker rooms.
8.Subukan ang pagbabad sa suka. Wala pang matibay na ebidensya pero ayon sa pag-aaral, makapipigil ng pagdami ng mikrobyo ang suka.
Ibabad ang mga paa ng 15 minutos sa pinaghalong 1 bahagi ng suka at 2 bahagi ng maligamgam na tubig. Kung ang balat ay mairita subukan ibabad ng dalawa hanggang tatlong beses bawat linggo o dagdagan ang dami ng tubig na ihahalo.
9.Kapag hindi bumuti ang kondisyon ng kuko, kumunsulta sa doktor.