Lalaki, pinutol ang sariling paa upang makapasa sa med school!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 28, 2026 | 12:00am

SA sobrang desperasyon na matupad ang pa­ngarap na maging doktor, isang 20-anyos na lalaki sa Uttar Pradesh, India ang pinaghihinalaang sadyang pinutol ang sariling paa upang makapasok sa medical school sa ilalim ng disability quota.

Ang suspek na si Suraj Bhaskar ay dalawang beses nang bumagsak sa NEET exam, ang entrance examination para sa mga medical school sa India.

Dahil dito, naisipan ni Suraj na samantalahin ang umiiral na Persons with Disabilities (PWD) quota, batas na naglalaan ng 5 percent ng kabuuang slots sa mga pampublikong unibersidad at medical school para sa mga aplikanteng may kapansanan, o katumbas ng lima sa bawat 100 admission slots.

Sa ilalim ng batas ng India, ang mga aplikanteng may kapansanan ay maaaring mag-apply sa ilalim ng naturang quota, basta’t makapasa pa rin sa minimum requirements at mapatunayang kaya nilang gampanan ang pisikal at klinikal na tungkulin ng pagiging doktor.

Ayon sa pamilya ni Suraj, may umatake rito na isang hindi kilalang salarin. Gayunman, nagduda ang mga pulis matapos mapansing malinis at eksakto ang hiwa sa kanyang paa, na tila ginamitan ng surgical instrument at hindi ng itak o karaniwang sandata.

Natagpuan din sa lugar ng insidente ang mga hiringgilya ng anesthesia, na lalong nagpalakas sa hinalang planado ang pangyayari.

Dagdag pa rito, nabuking ng mga awtoridad ang diary ni Suraj kung saan malinaw na nakasaad ang kanyang determinasyong mag-aral ng medisina pagsapit ng 2026 sa anumang paraan.

Isiniwalat din ng kanyang girlfriend sa pulisya na ma­tagal na umanong obsesyon ni Suraj ang makapasok sa medical school.

Sa kasalukuyan, nagpapagaling si Suraj sa isang trauma center habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Dahil sa malakas na hinalang sinadya at planado ang pagputol ng kanyang paa, malamang na hindi siya mabigyan ng opisyal na disability certificate, isang mahalagang requirement upang makapasok sa PWD quota.

Sa halip na admission letter, posibleng kasong kriminal, diskuwalipikasyon, at permanenteng pagkasira ng kanyang medical career ang kaharapin ni Suraj sakaling mapatunayan na sinadya at planado niya ang lahat ng ito.